Umakyat ng 19 na pwesto sa Stratbase-SWS January 2025 pre-election survey ang Trabaho Partylist na inilabas ng Social Weather Stations
Nabatid na mula sa pagiging rank 54-55 noong Disyembre 2024 ay naging top 36 na ngayong Enero 2025 ang Trabaho sa mga napipisil na iboto ng taumbayan sa darating na halalan sa Mayo.
“Isang malaking tagumpay po na nagpapakita ng tiwala ang mga manggagawa sa ating layunin. Maraming salamat po!”, pahayag ng Trabaho Partylist sa opisyal nitong Facebook page.
Ang pagtaas ng Trabaho Partylist ay tumugma rin sa mga hinahanap na plataporma ng mga botante na nakilahok sa SWS survey tulad ng mas marami pang oportunidad sa trabaho, pangangalaga sa kalusugan, edukasyon, at karapatan ng mga manggagawa.
Nakilala ang Trabaho Partylist sa pagsusulong ng kalidad na trabaho, patas na oportunidad, sapat na sahod, karagdagang benepisyo, at maayos na kondisyon sa pagtatrabaho.
Kamakailan lamang ay mainit na tinanggap ng libu-libong tao si Melai Cantiveros-Francisco, endorser ng Trabaho Partylist, sa pagdiriwang ng Ati-Atihan Festival 2025 sa Kalibo, Aklan, noong Enero 17.
“Ako po si Melai Cantiveros-Francisco at ako po ang inyong bagong ka-trabaho! Magiging kaagapay ng Trabaho Partylist para sa pagsulong ng karapatan, kapakanan, at marangal na buhay ng mga manggagawang Pilipino,” pagpapakilala ng nasabing artista sa kanyang bagong gagampanang trabaho bilang ambassador.
Ang nasabing survey ay isinagawa mula Enero 17 hanggang 20 sa pamamagitan ng personal at harapang panayam sa mga 1,800 botante mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas: 300 sa Metro Manila, 900 sa iba pang mga bahagi ng Luzon, 300 sa Visayas, at 300 sa Mindanao.