94% o siyam sa bawat sampung Pilipino ang nagsabing susuportahan nila ang mga kandidatong nagsusulong ng paglikha ng trabaho, pagpapahusay sa sektor ng agrikultura at pagtiyak sa food security.
Sa resulta ng Social Weather Stations survey, 93% din ng respondents ang nagsabing susuportahan nila ang mga kandidatong adbokasiya ang pagpapabuti sa health care system; at 92% para sa nagtutulak ng pantay na access sa edukasyon at kapakanan ng overseas Filipino workers.
Nakakuha rin ng malaking suporta ang mga isyu tulad ng pagtugon sa kahirapan at kagutuman at climate change na may 87%; pagkontrol sa presyo ng mga pangunahing bilihin na may 85%; pag-depensa sa seguridad at soberanya ng bansa na may 83% at paggamit ng renewable energy na nakakuha ng 82%.
Samantala, lumabas din sa SWS survey na iboboto ng 59% ng mga Pilipino ang kandidatong sumusuporta sa batas laban sa political dynasty; 25% ang nagsabing tutol sila rito habang 12% ang nagsabing walang epekto sa kanilang boto ang naturang usapin. - sa panulat ni Laica Cuevas