Nangangailangan pa ng masusing pag-aaral ang isinusulong na 200 pesos legislated wage hike bill.
Ito ang tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa harap ng panawagang sertipikahang urgent ang panukalang batas na magtataas sa arawang sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay Pangulong Marcos, kailangang umisip ng paraan kung papaano matutulungan ang mga pangkaraniwang pilipino sa harap ng tumataas pa ring presyo ng mga bilihin, at hindi pa rin nasusugpong problema sa inflation.
Gayunman, binigyan-diin ng Presidente na bagama’t wala magiging problema sa corporate companies ang posibleng taas-sweldo; nag-aalala naman ito sa mga maliliit na employers, partikular ang micro, small, and medium enterprises, dahil hindi naman madadagdagan ang kanilang kita kaya’t maaaring magresulta ito sa pagkabawas sa kanilang mga empleyado.
Kaugnay dito, iginiit ni PBBM na kailangan munang resolbahin ang legal at economic issues ng panukalang umento sa sahod.
Dapat din anyang magkaroon ng pakikipagtulungan sa regional tripartite wages and productivity boards na binuo upang alamin ang naaayong minimum wage sa bawat rehiyon. – Sa panulat ni Kat Gonzales