Mga chow chow sa China, kinukulayan ang mga balahibo upang magpanggap na ibang uri ng hayop.
Ang buong kwento, alamin.
Isang zoo sa Taizhou City sa China ang umamin sa kanilang ginawang gimik matapos silang kausapin ng isang lokal media. Ito ang Qinhu Bay Forest Animal Kingdom na kung saan mayroong matatagpuang mga aso na ang breed ay chow chow.
Ang kaibahan nga lang ay ang kulay ng mga ito. Hindi plain brown, white, o black, kundi orange and black!
Ang mga aso na ito ay mayroong uploaded video sa Douyin o ang Chinese version ng Tiktok kung saan makikita ang mga ito na paikot-ikot sa loob ng kanilang encouter.
Pero hindi nagpalinlang ang mga netizen sa napanood na video ng mga aso at mayroon pang nag-comment na sa malamang daw ay hindi pinaliliguan ang mga aso para hindi kumupas ang kulay ng mga ito.
Aminado naman ang nasabing zoo na ang mga aso ay kinulayan lang ang mga balahibo ng orange at black at hindi talaga mga tunay na tigre.
Sinabi rin nila na hindi ito mapanganib para sa kalusugan ng mga aso dahil propesyonal ang nagkulay sa balahibo ng mga ito.
Samantala, hindi pala ito ang unang beses na nangyari ang kaparehong insidente. Ang matindi pa ay nag-demand ang mga bisita sa zoo na ibalik ang kanilang bayad.
Ang pinuntahan kasi nila na zoo sa Guangdong, kinulayan lang din ang balahibo ng mga chow chow para naman pagmukhaing mga panda.
Ikaw, gugustuhin mo rin bang bawiin na lang ang entrance fee na binayaran mo sa zoo kung ganito ang makikita at dadatnan mo?