Iimbitahan ng House Tri-Committee sa susunod na pagdinig ang Social Weather Stations (SWS) hinggil sa hindi nito pagkakasama sa pangalan ng isang mambabatas sa Senatorial preferences survey.
Ayon kay Sagip Partylist Representative Rodante Marcoleta, hindi napabilang ang kanyang pangalan sa nasabing survey para sa ikatlong bahagi ng 2024, ngunit nakalista ang pangalan ng mga hindi naman tatakbo sa eleksyon at ilan pang hindi kilalang personalidad.
Kabilang aniya rito sina dating Pangulong Rodrigo Duterte; dating Vice President Leni Robredo; dating Defense Secretary Gilbert Teodoro; at dating Senador Franklin Drilon.
Kasama rin sa listahan ang mga hindi kilalang personalidad tulad nina jerome adonis ng Kilusang Mayo Uno; Jocelyn Andamo ng Filipino Nurses United; at Ronel Arambulo ng Pamalakaya.
Kinwestiyon pa ng Kongresista ang resulta ng SWS survey kung paano siya nauwi sa 36th spot gayong hindi naman siya kasali sa listahan nang pagpipilian.
Sinang-ayunan naman ni House Committee on Public Order and Safety Chairman Dan Fernandez ang mungkahi ni Congressman Marcoleta at tiniyak na iimbitahan ang sws sa ikalawang pagdinig ng Tri-Committee sa susunod na linggo. – Sa panulat ni Laica Cuevas mula sa ulat ni Geli Mendez (Patrol 30)