Binigyang diin ng House Tri-Committee na wala silang intensyong apakan ang karapatan ng malayang pamamahayag.
Ito ang iginiit ni Surigao Del Norte Representative Robert Ace Barbers, Ang Nagsulong Sa Imbestigayson Laban Sa Pagpapakalat ng mga pekeng balita at maling impormasyon sa social media.
Ayon sa Kongresista, layunin lamang nila na bumuo ng polisiya sa paggamit ng social media platforms at magkaroon ng disiplina gaya ng ipinatutupad na regulasyon ng traditional media.
Inihayag naman ni House Committee on Public Order and Safety Chairman Dan Fernandez, na napapanahon ang diskurso ng Tri-Comm dahil “na-weaponize” na ang social media sa pagpapakalat ng fake news at disinformation.
Inihalimbawa ng mambabatas ang mga pekeng job offers ng mga taong nasa likod ng pagpapatakbo ng pogo o philippine offshore gaming operators na nauuwi sa trafficking.
Kaugnay nito, hinihikayat ng Komite ang mga resource person na aktibong makibahagi sa pagdinig at tumulong sa pagbuo ng mga hakbang para labanan ang fake news at disinformation. – Sa panulat ni Laica Cuevas mula sa ulat ni Geli Mendez (Patrol 30)