Napabalita sa ibang bansa ang isang sasakyan na nakaparada sa short-term parking space ng airport sa Berlin dahil sa nakakalulang halaga ng parking fee nito.
Kung paano umabot nang ganoon kalaki ang bayarin ng may-ari, alamin.
Ilang mga airport ang mayroong long-term parking spaces para sa mga pasahero na nagnanais na iwanan ng ilang araw ang kanilang mga sasakyan bago bumyahe.
Pero ang isang sasakyan sa Brandenburg Airport sa Berlin, isang taon nang nakaparada sa kanilang parking space, at ang malala pa riyan ay nasa short-term parking lot ito.
Ang Brandenburg Airport parking ay mayroong libreng 10 minutes na parking time para sa short-term parking slots, habang mayroon nang bayad na $11 para sa 30 minutes, $23 naman para sa isang oras, at $552 para sa isang buong araw.
Ang natagpuang abandonadong Gray Volkswagen Golf ay nakaparada na pala sa nasabing pwesto nito simula pa noong January nitong nakaraang taon at hindi pa raw malinaw kung kailan ito napansin ng mga otoridad.
Sinabi naman ng airport management, local police, local district office, at pati ng parking management company na APCOA Deutschland G-M-B-H na wala silang responsibilidad sa nangyari.
Samantala, noong January 28 ay ipinahila o ipinatanggal na sa airport ang abandonadong sasakyan. Hinihinala rin na baka nakaw ang nasabing kotse dahil hindi tugma rito ang plate number.
Gayunpaman, sinusubukan pang alamin ng mga pulis kung sino ang may-ari nito.
Ikaw, ano ang gagawin mo kapag nabaon ka sa utang na libo-libong halaga ng parking fee?