Hinamon ni dating senador Leila De Lima ang mga mambabatas na patunayang kaya ng mga itong isantabi ang personal at politikal na interes sa pagsisimula ng proseso sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay De Lima, sa paraang ito ay maipaglalaban ng mga mambabatas ang tama.
Binigyang-diin din ng dating senador na dapat maging patas at transparent ang proseso ng impeachment, at tunay na nagsusulong ng hustisya.
Hindi rin aniya dapat maging palabas lamang ang impeachment ng pangalawang pangulo upang pagtakpan ang katotohanan.
Si De Lima ang nagsisilbing tagapagsalita ng unang grupong naghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara na kinabibilangan ng mga kinatawan ng civil society organizations, religious leaders, at pamilya ng mga biktima ng drug war campaign at extrajudicial killings ng nakaraang administrasyon. – Sa panulat ni John Riz Calata