Itinuturing bilang diversionary tactics ng Kamara ang plano ng mga kaalyado ni Vice President Sara Duterte, na maghain ng reklamo kaugnay ng 2025 national budget.
Ayon kina Deputy Majority Leader Paolo Ortega V, ng La Union at Assistant Majority Leader Jay Khonghun Ng Zambales, isa lamang pamumulitika ang planong paghahain ng reklamo kina Speaker Martin Romualdez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, at Ako-Bicol Partylist Rep. Zaldy Co kaugnay ng alegasyon ng budget insertions sa 2025 budget.
Ayon kay Cong. Ortega, walang basehan ang alegasyon ng panibagong fantasy at fiction ng kampo ng mga Duterte na layong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na isyu.
Sinabi naman ni Cong. Khonghun na ang mga alegasyon laban kay Speaker Romualdez, ay isa lamang pagtatangkang sirain ang malaking suporta ng kamara sa impeachment laban kay VP Duterte.
Itinuturing din ng mga kongresista bilang isang “desperate move” Ang naturang hakbang upang magulo ang proseso ng impeachment.
Dahil dito, nanawagan ang mga mambabatas sa senado na manatiling independent at huwag magpadala sa anumang panlabas na impluwensya na maaaring makaapekto sa impeachment trial tungo sa pagsiguro ng isang makatarungan at malinaw na proseso. – mula sa ulat ni Geli Mendez (Patrol 30)