Sinopla nina House Assistant Majority Leaders Pammy Zamora ng Taguig City, Zia Alonto Adiong ng Lanao Del Sur, at Jay Khonghun ng Zambales si Vice President Sara Duterte kaugnay ng sinabi nito na hindi niya pinagbantaan ang buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr.; First Lady Liza-Araneta Marcos; at House Speaker Martin Romualdez.
Ikinabahala ng Young Guns sa Kamara, ang pagtanggi ng Bise Presidente sa kanyang ginawang pagbabanta sa isang online press conference na mayroon siyang kinausap para ipapatay sina pangulong marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Romualdez sakaling may mangyaring masama sa kanya.
Ayon kay Cong. Adiong, ang mga pahayag ng Bise Presidente ay dapat tingnan bilang seryosong banta sa pambansang seguridad at nangangailangan ng agarang imbestigasyon upang masagot ang maraming katanungan gaya ng kung sino ang gunman na kaniyang kinausap; bakit may kilala na ganitong uri ng tao ang isa sa mataas na opisyal ng bansa.
Hindi ito anya ang unang pagkakataon na tinangka ni VP Duterte na iligaw ang atensyon ng publiko kabilang na rito ang makailang beses na pag-iwas sa pananagutan mula sa pagtangging ipaliwanag ang ginawang paggastos sa 125 million pesos confidential funds sa loob ng 11 araw hanggang sa pagbibigay-palusot sa iligal na paglilipat ng pondo ng DEPED at OVP. – mula sa ulat ni Geli Mendez (Patrol 30)