Posibleng pagkatapos pa ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. masimulan ang aktwal na paglilitis o impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Ito ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero ay taliwas sa panawagan ng ilang kongresista, sektor, at personalidad na agad simulan ng senado ang impeachment trial.
Sinabi ni Senate President Escudero na hindi nila agad masisimulan ang actual na impeachment trial sa pagbalik nila sa sesyon sa June 2 dahil marami pa silang paghahandang gagawin.
Kailangan pa anilang magpatibay ng ipatutupad na impeachment rules, na sa ngayon ay binabalangkas at pagdedebatihan pa pagbalik nila sa sesyon.
Bukod dito, kailangan din anilang bigyan si VP Sara ng sampung araw, na pwede pang hingan ng extension, para sumagot sa articles of impeachment.
Binigyang-diin ng Lider ng Senado na kung maisagawa ang pre-trial at magiging apat na beses kada linggo ang impeachment trial, matatapos umano ang paglilitis sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan. – Sa panulat ni John Riz Calata mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)