Isang babae sa Russia ang naungusan ang kaniyang kalaban sa mayoral election. Plot twist, amo pala ito ng kaniyang mister.
Ang buong kwento, eto.
Kung dito sa Pilipinas ay ang taumbayan ang may laya na pumili kung sino ang gusto nilang iboto sa eleksyon, sa siyudad ng Berezovsky sa Russia, mayroong mga deputy na kadalasan ay mga nasa pwesto na siyang mamimili kung sino sa mga kandidato ang mauupo.
Ngayong taon, dalawang tao lamang ang nasa pagpipilian: si Mayor Yevgeny Pistsov na nasa ikatlo niyang termino at si Yulia Maslakova na nagsisilbi bilang head ng investment development ng Berezovsky at siya ring misis ng driver ni Mayor Pistsov.
Inilabas ng local media ang naging resulta ng botohan at lumabas na kung sino pa ang hindi inaasahang manalo ay siya pa ang nakakuha ng labingpitong boto mula sa dalawampu’t tatlong deputies.
Natalo ni Maslakova si Pistsov na nakakuha lamang ng anim na boto.
Uurong pa sana sa eleksyon si Maslakova ngunit hindi na ito pinahintulutan dahil siya na ang nahalal na bagong mayor.
Ngunit ayaw daw talaga nito na maupo bilang bagong mayor dahil ayaw nito ng conflict sa trabaho.
Binigyan si Maslakova ng ilang araw bago ang kaniyang oath taking at kung hindi ito sisipot upang manumpa, kakailanganin ng mga deputy na magsagawa ng panibagong botohan ngunit imposible pa rin daw na manalo si pistsov dahil daw sa nakakahiyang anim na boto na nakuha nito laban sa asawa ng kaniyang driver.
Ikaw, pipiliin mo bang umupo sa pwesto kung ikaw ang nasa sitwasyon ng bagong mayor?