Humiling si dating Senador Leila De Lima sa Korte Suprema na maglabas ng “public clarification” matapos idawit ang pangalan sa isang disbarred na abogado.
Ayon kay De Lima, hindi niya kilala si demosthenes tecson at wala siyang natanggap na pera mula sa pina-disbar na abogado.
Sa inilabas na press release ng kataas-taasang hukuman, tinanggalan ng lisensya sa pagka-abogado si Tecson dahil sa paglabag sa code of professional responsibility and accountability dahil sa sinasabing hindi pagbibigay nito nang buo sa 134 million pesos na pabuya ng kliyente nito mula sa naipanalong expropriation case.
Sinabi ng Korte Suprema na mula sa nasabing halaga ay 53 million pesos lamang ang ibinigay ni Tecson sa kanyang kliyente; at itinabi ang natitirang pera para sa kanyang attorney’s fees at sa kampanya sa pagka-senador ni De Lima noong nakaraang eleksyon.
Binigyang-diin ng dating senador na hindi makatarungan na makaladkad ang kaniyang pangalan dahil sa “misconduct” ng isang abogado na natanggal sa propesyon dahil sa “ethical violations”. – Sa panulat ni John Riz Calata