Sinagot ng Malakanyang ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na papunta na sa pagiging diktadurya ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Iginiit ni Executive Secretary Lucas Bersamin na itinuturing nilang walang batayan at katawa-tawa ang pahayag ni Duterte na hindi rin naman pinapansin ng mga Pilipino.
Ayon kay Sec. Bersamin, itinuturing ng palasyo na kathang-isip lamang ang mga pahayag ng dating pangulo na isang kwento mula sa isang taong sanay sa kasinungalingan at paggawa ng mga panloloko.
Aniya, ang mga paratang ng dating presidente ay isa na namang ‘budol’ mula sa ‘one-man fake-news factory’ o isang-taong pabrika ng pekeng balita.
Tiniyak ng Kalihim na hindi babalik ang administrasyon sa mapanupil na pamamahala ng nakaraang gobyerno, kung saan ipinakulong ang mga kritiko, gamit ang gawa-gawang kaso at kung saan tuwang-tuwang naglalabas ng utos na pumatay na isinagawa nang walang pag-aalinlangan.
Dagdag pa ni Sec. Bersamin, ang dating chief executive rin ang hindi gumalang sa karapatan ng mamamayan, na sa isang salita lang ay maaaring may mawalan ng buhay, kalayaan, at ari-arian nang walang due process. – Sa panulat ni John Riz Calata