Hindi na lingid sa kaalaman ng lahat na pamahal na nga talaga nang pamahal ang mga bilihin. Pero sino ang hindi lalong aaray kung ang nabili mong inilalakong bottled water ay nagkakahalaga ng singkwenta Pesos?
Ang buong kwento, eto.
Sa isang nag-viral na video sa social media na kinuhanan mula sa loob ng isang sasakyan, makikita na stucked ang mga pasahero nito sa traffic at maririnig na binusinahan nila ang lalaking nagtitinda para tawagin at bumili ng tubig.
Nang makalapit sa tindero ay agad sila nitong binigyan ng tatlong bote ng mineral water.
Ganon na lang ang gulat ng mga pasahero nang tanungin nila kung magkano ang tubig at sinagot ito ng tindero ng “singkwenta.”
Agad na umangal ang mga motorista at sinabi na masyadong mahal ang singkwenta para sa maliit na bote ng tubig.
Iginilid ng drayber ang sasakyan at nagpatuloy pa ang mas mainit na diskusyon sa pagitan nila ng tindero.
Ang apela ng mga bakasyonistang sakay ng sasakyan, sampung piso lang daw ang bentahan ng tubig sa lugar nila, habang ang depensa naman ng tindero sa pagbebenta ng ganoong halaga ay ang pagkabilad niya sa tirik na araw habang naghahanapbuhay.
Binalak ng mga motorista na ibalik ang mga bottled water pero hindi pumayag ang vendor at nagalit pa dahil nagmamarunong daw ang mga ito samantalang siya naman ang nagtitinda.
Gayunpaman, hindi na nakita pa sa video kung paano natapos ang diskusyon ng dalawang panig.
Samantala, iba-iba naman ang mga ibinahaging sentimento ng mga netizen tungkol sa insidente. Mayroong nangatwiran na convenience ang binabayaran sa tindero.
Mayroon ding nag-comment na scripted lang daw ang content ng video na siya namang sinang-ayunan ng ilan, ngunit mayroong sumagot na scripted man ito, pero ang mga komento raw nila ay nakabase sa tunay na buhay.
Ikaw, ano ang sentimento mo sa isyu na ito?