Pinayuhan ni Senate President Chiz Escudero ang mga tatayong prosecution at defense panel sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate President Escudero, dapat na pag-aralang mabuti ng prosecution at defense panel ang kanilang kaso at tiyaking handa sila sa pagsisimula ng impeachment trial kay VP Sara.
Sa halip na mag-aksaya anya ng panahon ang magkabilang panig sa iba’t ibang isyu, dapat pagtuunan din ng pansin ang paghahanda sa kanilang mga isusumiteng pleadings sa impeachment court.
Babala pa ni Senator Escudero, na hindi nila ikukunsidera ang anumang hiling na palawigin ang mga deadline sa pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento sa oras na magsimula ang impeachment process.
Inaasahan din ng Senado na sa loob ng mahabang panahon na hindi pa sinisimulan ang proseso ay dapat nakapaghanda na ang magkabilang panig.
Muling nanindigan si Escudero na hindi sila makapagko-convene bilang impeachment court hangga’t walang sesyon ang kongreso. – mula sa ualt ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)