Umapela sa Senado ang dalawang lider ng Kamara na huwag nang idamay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa impeachment ni Vice President Sara Duterte at kagyat na lang mag-convene bilang Impeachment Court.
Ginawa nina house assistant majority leaders Zia Alonto Adiong at ernix Dionisio Jr. ang apela bilang reaksyon sa sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na kailangan pang magpatawag ng pangulo ng special session ng kongreso para maaksyunan ng senado ang impeachment at umusad ang paglilitis.
Kasunod na rin ito ng apela ng tatlong miyembro ng Makabayan Bloc sa kamara na magpatawag na ng special session si Pangulong Marcos.
Kapwa iginiit din nina Reps Adiong, Dionisio at house Deputy Majority Leader Paolo Ortega v na hindi na maaaring hintayin ang 20th Congress na magbubukas sa hulyo 28 para simulan ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte dahil nais ng mga Pilipino na masimulan na ito.
Pangamba ng mga kongresista na maaaring mahaluan ng kulay-pulitika kung ang presidente pa ang magpapatawag ng special session kaugnay ng impeachment.
Sinusugan din ni Cong. Adiong ang pahayag ni dating Senate President Franklin Drilon na kailangang ibasura ng korte suprema ang tatlong petisyong nakahain sa kataas-taasang hukuman dahil eksklusibo sa kongeso ang kapangyarihan para sa impeachment. – Sa panulat ni Kat Gonzales