Ang pagdedesisyon na muling magmahal ay labis na pinag-iisipan dahil mahirap nga namang kalimutan ang unang pag-ibig na nagdaan. Pero kapag handa ka na ulit sumugal, pakikinggan mo ba ang inirereto sayo ng dati mong kasintahan katulad ng isang lalaki sa Pangasinan?
Ang buong kwento, eto.
Sa Malasiqui, Pangasinan, isang kakaibang kwento ng pag-ibig ang ipinakita ni Reynald Galverio at ng kaniyang fiance na si Rizalyn Ranole.
Si Rizalyn kasi, inireto kay Reynald ng kaniyang misis bago ito pumanaw noong 2022 dahil sa sakit nito na blood cancer.
Sinabi ni Reynald na noong inireto siya ng kaniyang yumaong asawa kay Rizalyn ay nagagalit pa siya dahil hindi raw iyon sumasagi sa isip niya.
Nagkakilala naman ang soon-to-be bride at soon-to-be groom noong 2018 habang nag-aapply si Rizalyn para lumipad pa-Saudi Arabia, habang nagtatrabaho naman noon si Reynald sa isang travel agency.
Naging magkaibigan ang dalawa at pati ang unang asawa ni reynald ay napalapit din kay Rizalyn. Ngunit noong panahon na iyon, ang gusto lang daw ni Reynald ay ang matulungan si Rizalyn sa kaniyang application.
Ngunit naramdaman ni Reynald na mayroong puwang sa kaniyang buhay matapos pumanaw ng kaniyang misis.
Niligawan ni Reynald ang dati lang na inirereto sa kaniya at opisyal na naging magkasintahan ang dalawa pagdating ng December 2022.
Ayon kay Rizalyn ang nagustuhan niya raw kay Reynald ay ang pagiging mabait, mapagmahal, at responsable nito. Higit pa riyan, si Reynald raw ay halimbawa ng isang man of his words.
Pero bago ang lahat ay ipinaalam muna ni Reynald sa kaniyang mga anak at sa puntod ng kaniyang asawa ang kaniyang bagong pag-ibig at sa darating na March 11 ay ikakasal na ang dalawa.
Ikaw, anong masasabi mo sa hindi pangkaraniwang kwentong pag-ibig na ito?