Pinatunayan ng isang Siberian husky na para na ring mga tao ang mga aso dahil sa taglay nitong talino. Ang husky kasi, nakabisado na raw ang daan papunta sa clinic at ginawa itong tambayan?
Kung paano nakabisado ng husky ang direksyon? Ito ang kuwento.
Ganon na lang ang gulat ng mga staff sa LJ Veterinary Clinic sa Libertad, Surallah South Cotabato, dahil sa biglaang pagdating ng isang bisita na matapos kumatok sa pinto ay dire-diretso agad na pumasok sa loob.
Pero ang unexpected visitor, hindi pala isang tao kundi ….. Isang aso…!!
Ayon sa mga staff, ang nasabing husky ay si Bleu.
Pero bakit nagulat ang mga staff ng clinic? Kasi naman si Bleu, sariling sikap na dinala ang kaniyang sarili sa clinic ng walang kasamang amo!
Hindi naman na bago sa kanila si Bleu dahil suki ito sa kanilang clinic at dinadala roon ng kaniyang amo nang 2-3 beses kada buwan. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit nakabisado na ng aso ang daan mula sa kanilang bahay papunta sa vet.
Ayon kay Dr. Lovely Eguia, agosto nitong nakaraang taon nang unang beses na mag-isang nagpunta si Bleu sa kanilang clinic.
Kahit na pangalawang beses na palang naulit ang kaparehong pangyayari, nagulat at hindi pa rin naiwasang mag-alala ng mga staff dahil may kalayuan daw pala ang bahay nila Bleu mula sa veterinary.
Dagdag pa ng doktora, dinala pala si Bleu ng kaniyang amo sa vet para ipa-groom isang araw bago ito mag-isang lumabas.
Palagay ni Dra. Eguia, marahil ay nagustuhan ni Bleu ang pagpapagroom dahil sa malamig na aircon ng grooming area at malamig na tubig.
Baka rin daw hindi naka-lock ang kulungan niBbleu at ang gate ng kanilang bahay kaya nakalusot ito sa kaniyang mga bantay.
Samantala, nilinaw ng beterinaryo na ang mga amo ni bleu ay responsable, at sa katunayan ay nagkaroon na sila ng kasunduan at alam na kung ano ang susunod na gagawin kung sakali mang magpunta ulit si Bleu sa clinic nang mag-isa.
Ikaw, tuturuan mo rin ba ang iyong aso na magpunta mag-isa sa vet?