Mahigit isanlibong senior citizens at centenarians sa buong bansa ang nakatanggap ng cash gift sa ilalim ng Expanded Centenarians Act.
Pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ceremonial distribution sa Palasyo, kung saan 14 na benepisyaryo ang nakatanggap, kabilang ang tatlong centenarian o senior citizen na 100-years old na.
Sa ilalim ng batas, makatatanggap na rin ng cash gift na 10,000 pesos ang mga senior citizen na umabot sa edad na 80, 85, 90, at 95, habang mananatili sa 100,000 pesos ang cash gift sa mga senior na umabot ng 100-years old.
Kabilang sa qualification para maging benepisyaryo ay dapat Filipino citizen ang isang senior, at verified ng kanyang local Government Unit at Office for Senior Citizens Affairs (OSCA).
Kabilang naman sa mga pangunahing requirements ang kopya ng birth certificate o photocopy ng national id, 2 by 2 id picture, full body picture ng aplikante, at application form, na ipapasa sa OSCA o Local Social Welfare Development.
Ipinamahagi ang aabot sa 12.5-million pesos na halaga ng cash gift, pero target umano ng National Commission of Senior Citizens na makapamahagi ng 2.9 billion pesos na halaga ng cash gift ngayong taon sa 275,000 na mga benepisyaryo. – Sa panulat ni Laica Cuevas mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)