Nakababahala ang lumabas na findings ng Asia Pacific Inter-Agency Task Team on Young Key Populations kaugnay sa pagtaas ng bilang nga mga kabataang tinatamaan ng sakit na human-immuno deficiency virus (HIV).
Mantakin niyo, aabot na raw sa halos humigit-kumulang sa dalawandaang libong mga adolescent ang may HIV partikular sa mga lungsod sa Maynila, Bangkok, Hanoi at Jakarta sa Asya.
Dito lamang sa bansa, sumipa ng 50 porsyento ang tinamaan ng HIV, at ang mga nagkaroon ng impkesiyon ay mga kabataang nasa edad 15 hanggang 19 anyos.
Ang tawag nga raw sa pagtaas ng kaso ng HIV sa Asia-Pacific ay “hidden epidemic”.
Kapag may ganitong findings ukol sa HIV, dapat ang ating pamahalaan ay dapat mangamba na at mabigyan ito ng kaukulang atensiyon.
Madalas nabibigyan lamang ng pansin ang mga ulat ukol sa HIV ay tuwing “World’s AIDS Day” sa buwan ng Disyembre, at kapag lumipas na ay nakakaligtaan itong iprayoridad ng ating mga responsableng ahensiya ng gobyerno.
Dati rati’y, agresibong tinutugunan ng Department of Health ang isyung ito, matapos kapitan at kalauna’y ang pagkamatay ng isang biktima ng Acquired Immune-Deficiency Syndrome (AIDS) noong 2000 tulad ng nangyari kay Sarah Jane Salazar.
Ngunit makalipas ang mga taon, ay tila natigil ang pagbibigay ng mga paalala tulad ng pagsasagawa ng “symposium” at lecture sa negatibong epekto ng HIV.
Siguro dapat itong buhayin partikular ang ilang pamaraan at istratehiya upang ipaalala sa publiko lalong-lalo na sa mga kabataan ngayon ang epektong maidudulot kung sakaling kapitan sila ng HIV hanggang sa humantong sa isang full-blown AIDS.
Tandaan natin, wala pang natutuklasang lunas para sa HIV-AIDS, kung kaya’t dapat ay maging babala ito sa mga madalas na nabibiktima ng sakit na ito.
Huwag na nating antayin pa na itong mga kabataang napaulat na nakapitan na ng HIV-AIDS, ay tuluyan nang matigil ang kanilang opurtunidad na mamuhay ng normal at maging malusog at kapaki-pakinabang sa komunidad.
Iligtas natin sila sa sakit at higit sa lahat iligtas din natin sila sa pagiging mang-mang tungkol sa HIV-AIDS.