Dapat umanong maglabas ng Writ of Summons ang senado upang obligahin ang na-impeach na si Vice President Sara Duterte na sagutin ang articles of impeachment na isinampa laban sa kanya ng Kamara noong Pebrero 5, ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan.
Sa isang press conference, sinabi ni Libanan na nakasaad ito sa rules ng Senado kaugnay ng impeachment trial.
Ayon sa naturang alituntuning ito, dapat anyang utusan ng senado ang respondent na magsumite ng sagot sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap nito ng kopya ng reklamong impeachment.
Batay sa impeachment timeline na inilabas ni Senate President Francis Escudero, obligado si VP Duterte na sagutin ang reklamo sa Hunyo 4.
Magsisimula ang paglilitis sa Hulyo 30, dalawang araw matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang pagsisimula ng ika-20 kongreso.
Ipinunto ng Kongresista na wala sa mga alituntunin ng senado sa impeachment ang planong pag-obliga sa Bise Presidente na sagutin ang petisyong impeachment sa Hunyo 4.—sa panulat ni Kat Gonzales