Itinanggi ng Commission on Elections ang umuugong na balita na sinasabing nagka-aberya sa unang araw ng botohan sa ibang bansa gamit ng internet.
Kasunod ito ng reklamo ng ilang Overseas Filipino Workers sa social media na hindi makita ang pangalan ng mga kandidatong ibinoto at maraming code ang lumalabas.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, normal lamang ang naranasan ng ilang OFW dahil bahagi ito sa security features para sa proseso ng pagboto sa internet.
Gaya rin anya ito sa local set up kung saan hindi pinapayagan ang mga botante na kunan ng litrato ang mga opisyal na balota at mga resibo nito.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagkuha ng mga larawan o screenshot sa online voting.
Gayunman, tiniyak ng Poll Body Chief sa publiko na maayos ang sistema ng halalan para sa 2025 polls na dumaan sa maraming source code review, na sinaksihan ng mga poll watchdog at iba pang stakeholder ng halalan.