Hindi pa maituturing na suspek ang pitong pulis na idinadawit sa pag-ambush kay Albuera Mayoral Candidate Rolando Kerwin Espinosa, Jr. kundi persons of interest pa lamang, ito ay sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa nasabing insidente.
Iginiit ito ni Leyte Provincial Police Director Police Colonel Dionisio Apas, Jr. matapos kumpirmahin ang pagsasampa ng mga kasong illegal possession of firearms at paglabag sa election gun ban laban sa mga naturang pulis.
Ayon kay Col. Apas, 14 na armas ang nakuha sa mga naturang pulis na kinabibilangan ng isang Police Colonel, Lt. Col, Staff Sergeant, tatlong Corporal at isang Patrol Woman kung saan pito sa mga ito ay nasa administrative custody at nakatakdang sumailalim sa administrative proceedings.
Samantala sa isinagawang paraffin test ay nag negatibo ang pitong pulis subalit positibo naman sa gunpowder residue ang lahat ng 14 na baril na nakuha sa kanila.
Nilinaw naman ni Police Lt. Col. Vivien Malibago ng forensic unit na ang negatibong resulta ng paraffin test ay hindi conclusive dahil maraming factors ang maaaring maka apekto rito tulad nang pagsusuot ng gloves, haba ng baril gayundin ang kondisyon ng kapaligiran.