Binigyan na lamang ng hanggang July 1 ng International Criminal Court ang prosecutor nito upang ilabas ang mga ebidensyang gagamitin laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.
Sa 20 pahinang kautusan na inilabas ng ICC pre-trial 1, binigyang-diin nito na kailangan nang iprisinta ng prosekusyon ang mga ebidensyang gagamitin nito sa confirmation of charges, sa lalong madaling panahon upang makapaghanda ang defense team ng dating pangulo.
Ayon kay ICC Spokesman Fadi El Abdallah, alinsunod sa Rome Statute, karapatan ng defendant o ni Duterte na malaman ang mga ebidensyang hawak ng prosekusyon.
Nauna nang ipinangako ni ICC Prosecutor Karim Khan na target nitong isumite ang mga ebidensya nang hindi lalagpas ng tatlumpung araw bago ang confirmation hearing na nakatakda sa September 23.—sa panulat ni John Riz Calata