Iniimbestigahan na ng Department of Education ang naganap na insidente sa Laua-An, Antique, kung saan lantarang ipinag-utos ng isang Principal sa mga estudyante na hubarin ang mga toga nito sa kasagsagan ng Senior High School Graduation ceremony sa Col. Ruperto Abellon National School.
Ayon sa DEPED, ikinalungkot nito ang nangyari dahil sa halip na maging panahon ito ng pagdiriwang para sa mga estudyante ay nagdulot ito ng pagkabahala sa mga mag-aaral at kanilang pamilya.
Sa nag-viral na video, sinabi ng Principal ng nasabing paaralan na si Venus Divinia Nietes na paglabag sa polisiya ng DEPED ang pagsuot ng toga sa graduation at nagbanta na tatawag ito ng pulis kapag hindi hinubad ng mga graduates ang kanilang mga toga.
Pinasinungalingan naman ito ng DEPED at nilinaw na hindi ipinagbabawal ang pagsusuot ng graduation robes sa mga end-of-school-year rites.—sa panulat ni John Riz Calata