Ika nga nila, kaniya-kaniyang trip lang ‘yan at walang pakialamanan. Pero ang lalaking ito sa China, kakaiba ang trip. Kung ang iba ay madaling-madali na hubarin ang kanilang maruruming damit pagkatapos ng mahabang araw sa labas ng bahay, ang lalaki na ito mula sa China, sinisinghot muna ang kaniyang gamit na medyas bago ito labhan.
Kung ano ang naging resulta ng trip na ito ng lalaki, eto.
Nakatanggap ang southwest hospital of the army medical group ng isang pasyente na nagdesisyong magpa-checkup dahil sa pagkakaroon ng bloodshot eyes o labis na pamumula ng mga mata.
Pero bago pa ‘yan maranasan ng lalaki ay hindi raw muna siya pinatulog ng kaniyang persistent cough kahit na umiinom naman daw siya ng gamot.
Dahil dito ay nagsagawa ang mga doktor ng CT Scan at MRI at doon nadiskubre sa kanang bahagi ng kaniyang baga ang mga sintomas ng severe infection.
Matapos nito ay sumailalim naman ang lalaki sa bronchoscopy kung saan napag-alaman na mayroon na pala itong fungal lung disease dulot ng aspergillus infection.
Katulad ng kadalasang ginagawa ng mga doktor, kinausap nila ang lalaki at tinanong ang kaniyang medical history at kung ano ang nakikita nitong rason para magkaroon ng impeksyon.
Doon na sinabi ng lalaki ang nakaugalian niya na pagsinghot sa kaniyang maruming medyas. Isang middle-aged office worker ang lalaki at sa tuwing uuwi raw ito galing sa trabaho, inaamoy niya muna ang kaniyang gamit na medyas bago pa ito labhan.
In-examine naman ng mga doktor ang maruming medyas ng lalaki at ayon sa deputy director ng Department of Respiratory Medicine ng nasabing ospital na si Lao Hu, ang mga medyas daw ay isa sa mga kagamitan na posibleng pamugaran ng fungus dahil sa pagkakakulob sa loob ng sapatos at matagal na pagkakasuot dito.
Dagdag niya pa, maaari raw dumaan sa ilong o bibig ang fungi at pumasok sa lower respiratory tract ng tao kapag inamoy nito ang medyas na mayroong fungus.
Samantala, na-discharge naman na sa ospital ang lalaki dahil sa tulong ng mga epektibong anti-fungal medications.
Ikaw, pwede mo bang i-share kung ano ang pinaka-weird na habit mo?