Tuluyang ibinasura ng tinatawag na Duter10, isang grupo ng mga kandidato sa Senado sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP), ang pag-endorso ni Bise Presidente Sara Duterte sa mga katunggaling kandidato na sina Senador Imee Marcos at Las Piñas Representative Camille Villar.
Sinasabing ang pagtanggi ay bilang tugon sa TV advertisement ni Duterte na sumusuporta kina Marcos at Villar—
mga pag-endorso na umani ng batikos mula sa PDP ranks.
Nabatid na binatikos ni Bagong Alyansang Makabayan President Renato Reyes ang hakbang ni Duterte kung saan tinawag itong bahagi ng mas malawak na political agenda.
Kung si Reyes ang tatanungin, ang suporta ni Duterte para kina Marcos at Villar ay bahagi ng kanyang istratehiya “para manatili sa kapangyarihan at makaipon ng mas maraming kapangyarihan.”
“As in any alliance of traditional politicians of the ruling elite, theirs is an alliance of convenience and opportunism… This is an alliance solely to frustrate the impeachment process and remain in power beyond 2028,” sabi ni Reyes.
Sa isang Facebook live broadcast, hinimok naman ni PDP senatorial candidate Atty. Raul Lambino ang mga botante na suportahan lamang ang Duter10—ang 10 kandidato na opisyal na inendorso ng partido para sa darating na midterm elections.
Iginiit ni singer-lawyer at fellow Duter10 bet Jimmy Bondoc na ang pag-endorso ni Duterte kina Villar at Marcos ay maaaring isang simpleng kaso ng ‘political compromise’.
“Ang official endorsement ay dumaan sa proseso sa partido, at totoong gusto ipaboto sa inyo ng mga leader natin. Ang hindi official endorsement ay bunga na maraming posibleng dahilan: political accommodation, honest personal preference, political contingency,” ani Bondoc.
Bukod dito, hinimok din ng pinakabagong nadagdag sa lineup ng Duter10 na si Dr. Richard Mata ang mga botante na mag-stick sa mga kandidato ng partido bilang isang anyo ng protesta laban sa pagkakapiit ni dating Presidente Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands dahil sa mga akusasyon ng mga krimen laban sa sangkatauhan para sa pagpatay.