Nanawagan ang Trabaho Partylist sa mga pampubliko at pribadong sektor na bumuo at magpatupad safety adaptation plan na akma sa kani-kanilang industriya at operasyon upang mapangalagaan ang mga manggagawa sa gitna ng napakatindi at mapanganib na init sa lahat ng rehiyon.
Batay kasi sa forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maging sa Metro Manila mismo ay maaaring umabot ng hanggang 42°C ang temperatura— “dangerous level”.
Kaya bilang pagkilala sa masamang epekto sa kalusugan na idinudulot ng matinding init gaya ng panghihina ng katawan, heatstroke, at paglala ng mga umiiral na kondisyon sa kalusugan, nanawagan ang tagapagsalita ng Trabaho Partylist na si Atty. Mitchell Espiritu sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong mga employer na magpatupad ng alternatibong work arrangement.
Para matiyak ang pagsunod ng mga manggagawa, hinimok ng tagapagsalita ng grupo ang mga employer na ipabatid nila na ang mga hydration break na ito ay bahagi ng bayad na oras ng pagtatrabaho.
Kahit wala pang matibay na regulasyong tumutugon sa patuloy sa ganitong napakainit na temperaturang nararanasan ng bansa, tinukoy ng abogado na may nauukol at umiiral na kautusan mula sa Department of Labor and Employment—ang Labor Advisory No. 8.
Sinasabing sa ipinalabas na advisory noong 2023, inaatasan ng DOLE ang mga employer na bigyan at pagsuotin ang mga manggagawa ng uniporme at personal protective equipment na naaayon sa init ng panahon. Dapat din nilang bigyan nang libre, sapat at ligtas na inuming tubig ang mga mangaggawa.
Nabatid na ang panawagan ng Trabaho Partylist ay bahagi lamang ng plataporma nitong siguruhin ang kapakanan ng mga manggagawa.
“Implementing such measures is crucial to mitigate the adverse effects of this deadly heat on workers’ health and productivity [Mahalaga ang pagpapatupad ng mga hakbang na ito upang mabawasan ang masamang epekto ng matinding init sa kalusugan at pagiging produktibo ng mga manggagawa],” dagdag pa ni Espiritu, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng maagap na proteksyon para sa mga manggagawa.
Maaalala na nitong Linggo ng Pagkabuhay, nagpaabot ang Trabaho ng pagmamahal sa mga taga-Mindanao na nakaranas at naapektuhan ng apat na sunud-sunod na lindol at pagyanig na lampas sa magnitude 5.0.