Pag-aaralan ni Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Imee Marcos kung magkakasa pa ng panibagong pagdinig ukol sa naganap na pag-aresto at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court.
Ayon kay Sen. Marcos, humihirit ng isa pang public hearing ang kanyang mga kasamahan na sina Senators Bato Dela Rosa, Robin Padilla at Alan Peter Cayetano, dahil marami pang dapat na masilip at mapiga sa mga lumabas na impormasyon na hindi pa nabibigyang-linaw.
Kabilang na rito ang impormasyon na noong nakaraang taon pa nakapasok sa pilipinas ang mga tauhan, imbestigador, abogado at security experts ng ICC.
Gayunman, sinabi ng senador na gustuhin man niya na magkasa ng isa pang hearing, hindi niya ito magagawa sa ngayon dahil wala siyang maimbitahang testigo na magbibigay-linaw sa mga lumabas na impormasyon.
Dagdag pa ng Presidential Sister, tatantyahin pa niya kung may maiimbitahang resource person at kung wala, maglalatag muna siya ng findings mula sa nakalipas na pagdinig.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)