Naniniwala si House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V, na may kaugnayan sa impeachment trial ang pag-endorso ni Vice President Sara Duterte sa mga senatorial candidates.
Kasunod ito ng endorsement ng bise presidente kina Presidential Sister at re-electionist Senator Imee Marcos at House Deputy Speaker Camille Villar bilang mga senatorial candidate na susuportahan.
Iginiit ng kongresista na walang paninindigan si VP Sara batay sa nauna niyang pahayag na hindi niya i-eendorso ang mga kandidatong tumatakbo sa senado at hahayaan niya ang taumbayan na mamili ng kanilang iboboto.
Binigyang diin ng mambabatas na isang political strategy ang ginagawa ni VP Sara para makakuha ng suporta sa senado sa sandaling isalang na sa paglilitis ang impeachment case na kaniyang kinakaharap.
Nangangamba naman ang congressman ortega na maimpluwensyahan ang gagawing paghatol ng mga senatorial judges sa impeachment case sakaling manalo ang mga inendorso ng bise presidente. —sa panulat ni Kat Gonzales mula kay Geli Mendez (Patrol 30)