Mabenta sa mga Pilipino ang love stories na kung saan ang isa sa magkasintahan ay magkakaroon ng pansamantalang amnesia ngunit sa huli ay magkakatuluyan din. Pero para sa isang magkasintahan sa Canada, hindi lang ito basta plot ng isang movie dahil minsan nila itong naging realidad.
Kung ano ang kinahinatnan ng magkasintahan, eto.
Kung pamilyar kayo sa pelikulang the vow, kaparehong-kapareho noon ang love story nila Laura Hart Faganello at ng kaniyang mister na si Brayden Faganello mula sa Canada.
Si Laura kasi, nagkaroon ng brain injury matapos mabagsakan ng malaking pole sa ulo habang naghahanda para sa isang event.
Nangyari ito siyam na buwan lang ang nakararaan matapos silang ikasal ni Brayden.
Nang magising si Laura, inakala niya raw na 17-anyos pa lang siya at hindi niya rin naaalala si Brayden at lahat ng memories na mayroon siya kasama ito.
Dahil sa mga nawalang memories, tila nag-back to zero si Laura dahil kinailangan niya raw ulit pag-aralan kung paano magbasa, magsulat, at magsalita.
Bukod pa riyan, nahirapan din siyang tanggapin ang katotohanan na ikinasal siya sa isang lalaking hindi niya naman kilala, ngunit binigyan ito ni Laura ng pagkakataon at kinilala muna si Brayden. Hindi naman nagtagal ay nahulog din ang loob niya sa lalaki.
Para kay laura, hindi man daw bumalik ang dati niyang mga alaala at feelings para kay Brayden, nakagawa naman daw siya ng bagong memories kasama ito at pinili niya rin daw na mahalin ang lalaki.
Kung kaya nang muling mag-propose ang lalaki ay hindi na nag-atubili pa si Laura na um-oo kay brayden sa ikalawang pagkakataon. Sinabi pa ni laura na nagpapasalamat siya sa panibagong buhay at bukas na haharapin niya kasama si Brayden.
Kung ikaw ang makararanas ng kaparehong kwento, gugustuhin mo bang balikan pa ang nakaraan mo o ipagpapatuloy mo na lang ang bagong buhay mo?