Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. Ang Republic Act no. 12160 o Philippine Islamic Burial Act.
Sa ilalim ng batas, inilatag ang mga panuntunan sa wasto at agarang paglilibing sa bangkay ng mga yumao o namatay na Muslim nang naaayon sa Islamic rites.
Ipinaguutos ng batas ang agarang burial o paglilibing sa yumaong Muslim, mayroon man o walang death certificate, pero dapat ay mai-report agad ng kamag-anak ang kanyang pagkamatay sa Local Health Office sa loob ng labing-apat na araw.
Maaari ring i-report sa tanggpan ng Mayor o Alkalde ang pagkamatay ng muslim kung walang Local Health Offficer sa lugar, para sa pag-iisyu ng death certificate.
Dapat namang ipagbigay-alam sa pamilya ng Muslim kung isasailalim sa forensic examination ang katawan ng yumaong kamag-anak.
Inaatasan naman ang mga ospital, klinika, punerarya, morgue, prison facility, o anumang pasilidad kung saan mamamatay ang Muslim na agad i-release sa loob ng dalawampu’t apat na oras ang kanyang labi, alinsunod sa ritwal ng Islam.
Dapat ay nakabalot ng puting tela at nakalagay sa cadaver bag o cadaver wooden box, at dapat ay selyado ng tapes o bandage strips.
Ayon sa batas, hindi maaaring ipitin o hindi ilabas ng anumang pasilidad ang labi ng yumaong Muslim dahil lang hindi bayad o may balanse pa ito sa bayarin, at inirekomendang kausapin ang pamilya para sa pagresolba ng anumang obligasyon.
Ayon sa pangulo, ang batas ay pagkilala at pagrespeto sa karapatan ng mga Pilipinong Muslim na mailibing nang naaayon sa kanilang paniniwala at relihiyon.—ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13)