Nabunyag na sweet 16 ang nakamit na pwesto ng 106 Trabaho Partylist sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) para sa Abril 2025.
Nabatid na ang kasalukuyang ranggo ng Trabaho ang pinakamataas din umano nitong placement sa lahat ng buwanang survey na inilabas ng SWS magmula pa noong Disyembre 2024.
Sinasabing ang patuloy na pag-angat ng grupo ay sang-ayon din sa isa pang survey na inilabas ng SWS kung saan mas napupusuan ng mga Pilipinong botante ang mga kandidatong nagsusulong ng job creation at proteksyon ng karapatan ng mga manggagawa gaya ng Trabaho.
Kung ikokonsidera ang statistical tie sa SWS survey, ang range placement ng grupo para sa Abril 2025 ay 16-18 na pwesto- isang malaking pagtalon mula sa 31-39 noong Marso 2025.
Tugma rin ang pagtaas ng 106 Trabaho Partylist sa resulta ng iba pang kilalang survey firms.
Sa survey ng WR Numero Research mula Marso 31 hanggang Abril 7, pumalo sa ika-13 na pwesto ang 106 Trabaho Partylist—mula sa ika-50, sa loob lamang ng halos dalawang buwan.
Una sa legislative agenda ng grupo ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino, sa pamamagitan ng mga panukalang batas para sa makatarungang sahod, dagdag na benepisyo, seguridad sa trabaho, at inklusibong mga patakaran.
Sa kabila ng mataas na posisyon sa mga survey, kitang hindi nakakampante ang grupo na patuloy pa ring nagsasagawa ng kampanyang house-to-house at tao-sa-tao na hindi lamang limitado sa National Capital Region.