Pinaghahanda na ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang mga gabinete para tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain, tubig at suplay ng kuryente sa sandaling dumating na ang pinakamatinding epekto ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, mararamdaman ang todong epekto ng El Niño sa buwan ng Pebrero at Marso 2016 kung saan titindi ang tag-init.
Nais ni Pangulong Aquino na gawing prayoridad ang pagtiyak ng sapat na suplay ng pagkain, maiinom na tubig at matatag na suplay ng kuryente.
Pinababantayan na rin ng Punong Ehekutibo sa Department of Health ang kalusugan ng mga mamamayan maging ang pagpapaigting ng programa sa fire prevention dahil sa inaasahang matinding tag-init.
Inatasan din ng Presidente ang Department of Agriculture na taasan ang buffer stock ng bigas sa pamamagitan ng importasyon at pagtiyak ng tulong sa mga magsasaka na maaapektuhan ng tagtuyot.
Sa panig ng Department of Energy, inatasan ang ahensya na paigtingin ang interruptible load program at paglalagay ng modular generation sets lalo na sa Mindanao na nakakaranas ng mahabang oras ng brown out.
By Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23)