Pinuri ng kampo ng isa sa mga biktima ng tanim laglag bala scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang report ng National Bureau of Investigation o NBI kung saan kinumpirma ang naturang modus sa paliparan.
Sa panayam ng DWIZ kay Atty. Spocky Farolan, abogado ng OFW na si Gloria Ortinez, sinabi niyang dapat pasalamatan ang NBI sa inilabas na ulat ukol sa mga naturang insidente.
“Ikinakatuwa po namin ang paglabas ng report na yan, taliwas po ito sa una nang sinasabi ng NAIA, OTS, DOTC na walang ganyang nangyayari, agimat yang mga yan, sila ang nagdadala, taliwas ito sa pagsisi nila sa biktima na, kayo ang nagkamali tapos kami ang sisihin niyo, ipinapakita nito na talagang may tiwali sa kanilang hanay at kailangan nilang siguraduhin na malinis ang hanay nila.” Ani Farolan.
Gayunman, ipinabatid din sa DWIZ ni Atty. Spocky Farolan ang pangamba nilang hindi mailabas ang tunay na report sa nasabing usapin dahil sa naunang posisyon ng mga otoridad partikular ng Pangulong Benigno Aquino III na walang nangyayaring laglag bala scam.
Giit ni Farolan, mahirap ang sitwasyon ng NBI dahil habang iniimbestigahan nila ang kaso ay nagdeklara naman ang Malacañang na walang sindikato o anumang organisadong grupo na gumagawa ng iligal sa NAIA.
“Nagsagawa sila ng imbestigasyon pero syempre ang takot namin baka mamaya ay kailangang timplahin yan, para hindi naman magmukhang ganun kasinugaling o kamali ang mga naging pahayag ng ilang opisyal lalo na ng Presidente ng Pilipinas.” Dagdag ni Farolan.
Dapat na rin aniyang pumasok ang Ombudsman sa imbestigasyon upang mapanagot ang mga sangkot dito.
“Pasok po sa graft and corruption at sa violation ng ating code of conduct kapag ikaw ay hindi gumawa ng trabaho ng maayos, kapag ikaw ay nagpakitang wala kang alam at inkompetente ka sa trabaho, at kapag ikaw ay nakitang may kapabayaan ka sa inyong trabaho.” Pahayag ni Farolan.
***
Una rito ay kinumpirma ng Department of Justice na mayroong mga tiwaling tauhan ang NAIA na nasa likod ng laglag bala scam.
Ito, ayon kay Justice Undersecretary Emmanuel Caparas, ang isa sa finding ng NBI na nagsabing wala patunay na may sindikato sa loob ng paliparan.
Hiniling anya ng NBI ang pagsalang sa preliminary investigation sa ilalim ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulations Act ng ilang Office for Transportation Security Personnel na nakatalaga sa naia na sina Maria Elma Stena at Marvin Garcia.
Pinakakasuhan din ng task force ang mga miyembro ng PNP Aviation Security Group na sina SPO2 Rolando Clarin, Chief Insp. Adriano Konyo, SPO4 Ramon Bernardo at SPO2 Romy Navarro.
Ang imbestigasyon ay kasunod ng reklamo nina Eloisa Solita at Michael White na kapwa biktima ng laglag bala scam.
Lane White
Samantala, hindi naman kuntento ang kampo ng isa sa mga nagreklamo ng tanim laglag bala scam sa findings ng NBI hinggil sa naturang kontrobersya.
Magugunitang si Lane Michael White ang US missionary na nabiktima ng nasabing scam at kinikilan ng P30,000 ng airport personnel.
Sinabi ni White na malinaw na syndicated approach ang pagsasabwatan ng mga tauhan ng airport nang gawin ang tanim bala at pangingikil maliban pa sa pag-custody sa kanya.
By Jelbert Perdez | Ratsada Balita | Drew Nacino | Judith Larino