Isinailalim na sa state of imminent disaster ang buong lalawigan ng albay dahil sa bagyong Nona.
Ayon kay Albay Governor Joey Salceda, sinuspinde na rin na rin nila ang trabaho sa lahat ng public at private offices maliban na lamang sa mga ahensyang nakatutok sa relief operations.
Bukod pa ito aniya sa pagsasara ng mga mall at bangko sa lalawigan para matiyak ang zero casualty sa 8 oras na inaasahang dadaan ang bagyong Nona sa Albay.
Tiniyak pa ni Salceda na nakaalerto na ang buong provincial government para tumugon sa mga epekto ng bagyong Nona.
Mass evacuation
Patuloy ang paglilikas sa daan-daang pamilya sa dalawang lalawigan sa Bicol dahil sa banta ng storm surge, baha, landslide at lahat dulot ng bagyong Nona.
Kabilang dito ang Sorsogon na may 46 na pamilyang apektado at sa Albay na may 134,000 pamilya naman ang apektado.
Sinabi ni Dr. Cedric Daep ng Albay Public Safety and Emergency Management Office na simula kagabi ay natukoy na nila ang mga barangay sa mga bayan ng Daraga, Polangui, Camalig at Guinobatan na posibleng bahain at makaranas nang pagguho ng lupa.
Nagsimula na rin sila aniyang ihatid sa bawat munisipyo ang relief goods na ipapamahagi sa mga apektadong pamilya.
Una na ring nag abiso ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) para mag-ingat ang mga residenteng nakatira malapit sa bulkang Mayon at bulkang Bulusan dahil sa banta ng lahar.
By Judith Larino