Nabunyag na nakalabas ng Bureau of Customs (BOC) ang 45 container vans ng mga expired frozen meats mula sa France, Canada at Estados Unidos.
Ayon kay Rosendo So, Chairman ng SINAG o Samahang Industriya ng Agrikultura, base sa kanilang nakuhang impormasyon mula sa loob ng Customs, nailabas ng mga kumpanyang Lean Pasture, J. Core Enterprise at Lucky Star ang expired imported frozen meat kahit hindi pirmado ng Department of Agriculture ang kanilang hinihinging phytosanitary permit.
Posible aniyang nakapasok na ang mga ito sa mga palengke sa iba’t ibang panig ng bansa dahil may mga nahuli na dito sa Metro Manila nitong November 24 at sa Pangasinan noong November 26.
“Na-monitor kasi natin yung mga tina-trap ng umaga sa mga palengke tapos may mga nagpi-pick up sa mga produktong ito na sinasabi nating expired meat, tina-trap dun sa mga palengke, nandiyan din ang NMIS, National Meat Inspection Service, at tignan nilang mabuti, dapat naka-pack yan ng 1 kilo o 2 kilos, may brand name at nakalagay dapat yung expiration.” Ani So.
Nagpahayag ng pangamba si So na posibleng dumami pa ang expired frozen meat sa mga palengke dahil may 28 pang container vans ang nawawala o hindi ma-account ng Customs.
Mula Enero aniya hanggang Setyembre ng taong ito, nasa 203 container vans ng expired imported frozen meats ang dumating sa bansa at 164 lamang dito ang napigil sa Bureau of Customs.
“Ang problema ng kargamentong ito is dine-clare ng Quarantine na expired meat, ang nangyari hindi pa naaprubahan ng Bureau of Animal Industry nilabas na nila nung November 6, 7 and 9 according kay Deputy Commissioner Dellosa.” Pahayag ni So.
Department of Agriculture
Samantala, nakumpiska ng Department of Agriculture (DA) ang mahigit sa 154 na container vans ng expired frozen meats na galing ng France, Canada at Estados Unidos.
Ayon kay Agriculture Undersecretary for Livestock Jose Reaño, ito na ang pinamalaking huli nila ng expired imported frozen meat sa kasaysayan dahil umaabot ito sa mahigit sa 5 milyong kilo ng karne.
Gayunman, blangko si Reaño sa sinasabi ng grupong SINAG na 45 container vans ng expired frozen meat ang nakalabas ng Bureau of Customs dahil wala naman silang binigyan ng permit para makapaglabas ng shipment.
Tiniyak ni Reaño na tuloy-tuloy ang ginagawa nilang pag-monitor sa mga pamilihan lalo na ngayong Kapaskuhan upang matiyak na walang makakalusot na expired frozen meat.
“Kaya po makikita niyo, tuluy-tuloy po ang panghuhuli sa Quezon City at sa iba pang palengke sa buong Pilipinas, karaniwan po ay sa Luzon eh, yan po ang binabantayan natin ngayon, dahil hindi na po namin kontrolado, ng DA yung paglalabas sa Customs, dahil naman po kami nag-iisyu ng mga permit.” Paliwanang ni Reaño
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas