Pinayuhan ni dating North Cotabato Governor Manny Piñol si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na huwag nang patulan si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.
Kaugnay ito sa hamon ni Roxas kay Duterte na handa siyang magpasampal sa alkalde kung mapapatunayang hindi siya graduate sa Wharton School of Economics sa Pennsylvania.
Nauna nang nagsabi si Duterte na baka masampal niya si Roxas dahil sa pahayag nito na kathang isip lamang ang sinasabi nitong maayos na peace and order ng Davao City.
Ayon kay Piñol, parang sinampal na ni Roxas ang kanyang sarili dahil siya mismo na naging DILG Secretary ang makapagpapatunay sa sitwasyon ng peace and order sa Davao City.
“Para niyang sinampal ang sarili niya doon, DILG Secretary ka, ikaw ang boss ng PNP, nag-award ka sa Davao City, hall of famer ang Davao City Police sa kanilang most outstanding city police office, ikaw ang DILG Secretary tapos sasabihin mong isang myth yung peace and order sa Davao City, eh di parang sinampal mo ang sarili mo.” Pahayag ni Piñol.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas