Tinuligsa ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ang pahayag ni Senador Bongbong Marcos na patay na umano ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni MILF Chief Negotiator Mohagher Iqbal na kung tutuusin ay hindi naman nila ito pinag-usapan.
“Palagay ko ay hindi masyadong accurate ang sinasabi ni Senator Bongbong Marcos na patay na po yung proposed Bangsamoro Basic Law, ofcourse technically speaking hindi na nila pinag-usapan ang BBL, so technically speaking patay na po talaga ang BBL at hindi na po pinag-uusapan yan, pero sa palagay ko kung tutulong si Senador Marcos ay kaya pa ng senado, kaya pa ng lower house na ipasa ang BBL.” Pahayag ni Iqbal.
Sa kabila nito ay hindi pa rin sumusuko ang MILF na maipapasa ang panukalang BBL o Bangsamoro Basic Law
Idinagdag ni MILF Peace Panel Chief Mohagher Iqbal na malaki ang pag-asa nila sa Pangulong Noynoy Aquino na maisusulong pa ang BBL hanggang sa tuluyan itong maipasa.
“Ang natitira ngayon ay dalawang pinaka-importanteng bagay, unang-unang we are still hoping, and we still have hope that the BBL will pass, and secondly we still trust President that at the end of the day he will still deliver the BBL to our people.” Dagdag ni Iqbal.
Marcos
Kaugnay nito, nanindigan si Senador Bongbong Marcos na ginawa nila ang lahat para maipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Gayunman, hindi aniya sila maaaring sisihin dahil sa bukod sa atrasado na ang pagsusumite nito sa kanila, tadtad pa ito ng mga kuwesyunableng probisyon.
Idagdag na rin aniya rito ang kawalang ng quorum sa mababang kapulungan na siyang dahilan kaya’t lalong nabinbin ang nasabing panukala.
Muling iginiit ng senador na mas magandang ipasa na lamang ang bola sa susunod na kongreso sa pagpasa ng BBL upang mabigyan ng sapat na panahon upang mahimay pa ito.
Isa si Marcos sa mga humawak ng pagdinig kaugnay sa BBL bilang Chairman ng Senate Committee on Local Government katuwang nila Senador TG Guingona ng Committee on Peace and Reconcilation at ni Senadora Miriam Santiago ng constitutional amendments.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita | Jaymark Dagala | Cely Bueno (Patrol 19)