(Updated)
Nananatiling kandidato sa 2016 presidential elections si Senador Grace Poe.
Binigyang diin ito ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, tagapagsalita ni Poe makaraang lumabas ang balita na dinisqualify ng Commission on Elections (COMELEC) En Banc ang senadora.
Ayon kay Gatchalian mayroon pa silang sapat na panahon para idulog ang kaso sa Korte Suprema na siyang magbibigay ng pinal na desisyon sa kaso ni Poe.
“Dahil sa kaguluhan ng mga balita na na-disqualify si Senator Grace Poe, yung mga tagasuporta natin ay nag-aalinlangan pero nais namin silang i-assure na kandidato pa rin si Senator Grace Poe sa darating na halalan, at confident kami na mananatili siya sa balota at magiging kandidato sa darating na halalan, sana sundan ng mga kinauukulan sa COMELEC ang proseso, ang batas huwag nating i-short cut, huwag nating i-railroad.” Ani Gatchalian.
Binatikos ni Gatchalian ang maagang paglabas ng balita na pinawalang bisa ng COMELEC En Banc ang certificate of candidacy o COC ni Poe.
Nakakalungkot aniya na mismong ang COMELEC ang hindi sumusunod sa tamang proseso.
Pinuna rin ni Gatchalian ang timing ng pagpapalabas ng COMELEC ng kanilang desisyon.
“Mas gusto namin ngayong i-point out na ganito na pala ngayon na malalaman mo na lang ang desisyon ng COMELEC, hindi through proper channels, hindi through proper promulgation kundi through news leaks, parang may ibang tao sa loob ng COMELEC na binaliktad o inikutan yung proseso, na hindi sinunod ang proseso, na kung may desisyon, ipo-promulgate.” Pahayag ni Gatchalian.
Giit naman ni Gatchalian, nakahanda pa rin naman silang gawin ang lahat ng legal remedies para patunayan na walang problema sa citizenship at residency ng senadora.
***
Una ngang napaulat na kinatigan ng Commission on Elections ang naunang ruling ng kanilang 1st at 2nd Division na idiskwalipika si Senador Grace Poe sa 2016 presidential elections.
Ito’y makaraang ibasura ng COMELEC En Banc ang dalawang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Poe matapos i-disqualify ng mga nabanggit na dibisyon kaugnay sa kanyang citizenship at residency.
Nakatakda namang ipaliwanag ni COMELEC Chairman Andy Bautista ang naging botohan ng En Banc, ngayong araw.
Dahil dito, inaasahang iaakyat na ng kampo ng senador ang kaso sa Korte Suprema.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Drew Nacino | Cely Bueno (Patrol 19)