Maituturing na pamasko ang regalong natanggap ng 19 na Pinoy mula sa Syria, kabilang ang dalawang bata dahil uuwi na sila ng bansa bukas, ika-24 ng Disyembre.
Darating sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 bukas ng alas- 3:10 ng hapon sakay ng flight QR 932.
Bahagi pa rin ito ng tuloy-tuloy na mandatory repatriation program ng pamahalaan para sa mga Pinoy na naiipit sa kaguluhan sa Syria.
Pangungunahan ng embahada ng Pilipinas sa Damascus, Syria at Beirut Lebanon ang repatriation katuwang ang International Organization for Migration na siyang sasagot sa pamasahe ng mga Pinoy sa eroplano.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), dahil sa mga paparating na Pinoy, umakyat na sa halos 6,000 OFW ang naiuuwi sa bansa na nagsimula pa noong 2011.
Kaugnay nito, patuloy pa rin naman ang paghikayat ng embahada sa kaanak ng mga Pinoy sa Syria na magbigay ng impormasyon sa kinalalagyan ng mga ito para agad na matulungan.
Maaaring makontak ang embahada sa telephone number na 00963-11-6132626 o mag-email sa pe.damascus@gmail.com.
By Allan Francisco