Nagtataka ang kampo ni Senadora Grace Poe sa timing ng paglalabas ng desisyon ng COMELEC En Banc.
Kaugnay ito sa pagbasura sa naging apela ni Poe na baliktarin ang naunang desisyon ng dalawang dibisyon nito na nagkakansela sa kaniyang kandidatura bilang pangulo sa susunod na taon.
Sa naging panayam ng DWIZ kay Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, tagapagsalita ni Poe, tila sinadyang naka-break ang Korte Suprema para hindi sila makapaghain ng anumang apela.
“Sabi ko nga parang maihahalintulad natin ito sa isang boxing match, kung saan yung isang boksingero gusto man lumaban ng pares ay itinali yung isang kamay, kasi yung timing is quite suspicious eh, tignan niyo kahapon ina-out, we are only given 5 days, hindi ba medyo mahihirapan tayo dahil gipit sa oras, kung matatandaan niyo ay naka-recess ang Supreme Court.” Ani Gatchalian.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na sisikapin pa rin ng kanilang kampo na maidulog pa rin sa High Tribunal ang kanilang apela sa naging desisyon ng COMELEC.
Iginiit pa ni Gatchalian, nananatiling kandidato pa rin sa pagka-Pangulo si Poe hangga’t walang pinal na desisyon ang Korte Suprema sa mga usaping kinahaharap nito.
“Pero ganunpaman ay nananalig kami sa judicial system, at nananalig kami sa Korte Suprema na makikita nila itong injustice o pang-iipit kay Senadora Grace Poe, so ngayon ang laban iaakyat natin sa Korte Suprema at naniniwala kami na doon mas magiging fair ang labanan, at doon makakatanggap tayo ng impartial, unbiased na pagsuri ng mga ebidensya na nasa harapan.” Pahayag ni Gatchalian.
By Jaymark Dagala | ChaCha