Walang maibigay na katiyakan ang Commission on Elections (COMELEC) kung mananatili pa sa listahan ng mga kandidato sa 2016 elections si Senador Grace Poe sakaling hindi maglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema.
Ayon kay COMELEC Chairman Andy Bautista, mayroon pa namang limang araw si Poe para maghain ng kanyang apela sa Korte Suprema at hilinging pigilan ang desisyon ng COMELEC.
Una rito ay pinagtibay na ng COMELEC ang diskwalipikasyon sa kandidatura ni Poe bilang pangulo sa darating na halalan.
Honest mistake
Samantala, kumbinsido si COMELEC Chairman Andy Bautista na honest mistake lamang ang nagawa ni senador grace poe sa kanyang COC o certificate of candidacy.
Sa hiwalay na opinyong inilabas ni Bautista, sinabi nyang hindi sya naniniwala na material misrepresentation ang nagawa ni Poe nang ilagay niya sa kanyang COC na 10 taon na siyang naninirahan sa Pilipinas bago ang eleksyon noong 2013 nang tumakbo syang senador.
Bagamat aminado si Bautista na hindi napunan ni Poe ang 10 year residency requirement para makatakbo sa eleksyon, kuntento naman anya siya sa paliwanag ng senadora na nakagawa ito ng honest mistake.
Sa kabila nito, kinuwestyon ni Bautista ang intensyon ni Poe na manatili sa bansa dahil binawi lamang nito ang kanyang Filipino citizenship noong July 10, 2006 o isang taon matapos ang sinasabi niyang pagsisimula ng paninirahan niya sa Pilipinas.
Maaari anyang ituring na kakulangan ng intensyon na permanenteng manirahan sa bansa ang kabiguan ni poe na bawiin agad ang kanyang Filipino citizenship o kahit man lang immigrant visa noong magbalik ito sa Pilipinas.
By Len Aguirre