Walang balak na mag-inhibit ang 3 mahistrado ng Korte Suprema sa dalawang disqualification case ni Senator Grace Poe.
Kasunod ito ng kahilingan ni kampo ni Poe na huwag nang isama sa magiging deliberasyon ng Supreme Court En Banc sina Associate Justices Antonio Carpio, Teresita de Castro at Arturo Brion na unang bumoto sa pagiging hindi natural born Filipino ni Poe sa Senate Electoral Tribunal (SET).
Ayon sa source ng pahayagang Manila Times, determinado ang 3 mahistrado na sumali sa magiging deliberasyon at maging sa botohan na itinakda sa January 12.
Nanindigan ang tatlo na magkaibang ang mga kaso dahil ang isyu sa SET ay ang diskwalipikasyon ni Poe sa pagka-senador habang ang huli naman ay diskwalipikasyon nito sa pagkatakbo bilang pangulo.
By Rianne Briones