Ibinasura ni House Speaker Sonny belmonte ang rekomendasyon na magkaroon ng Plan B para sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay Belmonte, determinado siyang maipapasa ang BBL sa pagbabalik sesyon ng Kamara sa Enero 19.
Aniya, kumikilos na ang pamunuan ng Kamara para masigurong magkakaroon ng quorum para umusad na ang naturang panukalang batas.
Una nang inirekomenda ang Third Party Monitoring Team o TPMT ang pagkakaroon ng Plan B sakaling tuluyang mabigo ang Kongreso na maipasa ang BBL.
Marcos
Nagmungkahi din si Senate Committee on Local Government Chairman Bongbong Marcos ng Plan B, oras na hindi maipasa ng Kongreso ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL para sa Bangsamoro Autonomous Region.
Ayon kay Marcos, dapat ipagpatuloy pa rin ang proseso ng kapayapaan sa Muslim Mindanao.
Ginawa ni Marcos ang naturang pahayag sa harap ng pagkabahala ng Third Party Monitoring Team sa pagkakabinbin ng BBL at sa posibilidad na hindi naayon sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro ang naaprubahang BBL.
Ang nabanggit na team ay itinatag ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front para i-monitor ang implementasyon ng Framework Agreement ng Bangsamoro na nilagdaan sa pagitan ng dalawang partido noong October 15, 2012.
Dagdag pa ni Marcos, kung hindi pumasa ang BBL sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, hindi naman masasayang ang oras, pagod, at resources na ginugol at ginamit dahil sa maaari namang gamitin ng susunod na kongreso ang mga naging deliberasyon ng Kongreso para mapabilis ang pagpasa ng panukala sa ilalim ng susunod na liderato.
By Rianne Briones | Meann Tanbio | Cely Bueno (Patrol 19)