Binatikos ni Vice President Jejomar Binay ang panukala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation and Communications (DOTC) na i-phase out ang mga public utility jeepney na mahigit sa 15 taong gulang na.
Ayon kay Binay, hindi ikinukonsidera ng dalawang ahensya ang epekto nito sa mga jeepney driver.
Aniya, naiintindihan niya ang dahilan sa likod ng planong ito ng gobyerno subalit hindi umano ito maipatutupad nang hindi iniisip ang economic impact nito sa mga tsuper lalo pa’t ito lamang ang kanilang ikinabubuhay.
Giit ng Bise Presidente, ang problema sa trapiko na hindi nareresolba ng administrasyon ay hindi lamang nakaaapekto sa mga pasahero at motorista kundi pati sa mga jeepney driver dahil nagreresulta ito sa mas maliit na kita.
Bago aniya ipatupad ang pag-phase out, dapat munang tiyakin ng pamahalaan na mabibigyan ng tulong pinansiyal ang mga driver upang makabili ng bagong sasakyan.
Bukod dito, binigyang diin din ng Pangalawang Pangulo ang kahalagahan ng mga dyip sa bansa na sumisimbolo aniya sa ating kultura.
By Jelbert Perdez | Allan Francisco