Mas malalagay umano sa peligro o alanganin ang pagpasa ng panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL sa nakatakdang pagbubukas ng Senado sa pagdinig sa Mamasapano incident.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, marami nang isyung nakakabit sa madugong bakbakan sa Maguindanao na nakaapekto sa usad ng BBL.
Umaasa naman si Drilon na hindi maaapektuhan ang legislative works ng mga senador sa reinvestigation sa insidente lalo’t 9 na araw na lang silang magse-session bunsod ng nalalapit na campaign period.
Malacañang
Para naman sa Malacañang, wala nang mapipigang bago ang senado sa gagawing pagbubukas muli ng imbestigasyon sa Mamasapano incident.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag sa harap ng nakatakdang muling pagbusisi ng mga senador sa sinasabing mga bagong ebidensya at anggulo ni Senador Juan Ponce Enrile.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, sa panig ni Pangulong Aquino ay inako naman nito ang responsibilidad sa nangyari sa Mamasapano bilang commander-in-chief at tiniyak nito na matutulungan ang pamilya ng mga nasawing pulis.
By Jelbert Perdez | Cely Bueno (Patrol 19) | Aileen Taliping (Patrol 23)