Nilinaw ng Filipino community na walang nadamay na Pinoy sa pagsabog ng bomba sa Najran, ang area na malapit sa border ng Saudi Arabia at Yemen.
Una nang nagpahayag ng pangamba ang pamilya ng mga OFW dito sa bansa matapos mapaulat na isang Filipino center ang tinamaan ng bomba sa naturang lugar.
Subalit, sinabi at pinost ng Pinoy community leader sa Najran na si Ronald de la Cruz sa kanyang facebook account na wala umanong Pinoy na nadamay sa pagsabog.
Giit ni de la Cruz, nasa Najran siya mismo noong nakaraang Martes at wala siyang nasaksihang anumang pagsabog doon.
Report
Nananawagan ang Migrante-Middle East Group sa pamahalaan na personal na tiyakin ang ulat kaugnay ng umano’y nadamay na Pinoy community sa pagsabog sa Najran, ang area na malapit sa border ng Saudi Arabia at Yemen.
Ito’y kasunod ng napaulat na may mga Pinoy na naiipit at nadadamay sa giyera sa Najran na agad namang pinabulaanan ng OFW na si Ronald de la Cruz.
Dahil dito, nanawagan sa gobyerno si John Monterona, Coordinator ng Migrante Middle East, na kumpirmahin ang nasabing ulat.
Giit ni Monterona, nauunawaan niyang mahirap para sa embahada at konsulado na magtungo sa Najran dahil sa aniya’y insidente ng pambobomba at missile attacks doon.
Subalit, kailangan aniyang matiyak mismo ng gobyerno ang kalagayan ng mga Pinoy roon lalo’t batay sa ulat ay nasa 5,000 OFW’s ang naninirahan o nakabase sa Najran.
Sinasabing karamihan sa mga ito ay pawang mga kasambahay at construction worker.
By Jelbert Perdez | Allan Francisco