Aarangkada na sa Lunes, Enero 18 ang muling pagdinig ng senado ukol sa Mamasapano encounter.
Target ni Senador Juan Ponce Enrile sa kahilingan niyang buksan ang imbestigasyon, na alamin ang partisipasyon ni Pangulong Benigno Aquino III at malaman kung bakit itinuturo itong ultimong may responsibilidad sa malagim na engkwentro.
Para sa interes ng bayan, dapat aniyang malaman kung nasaan ang Pangulo nung nilulusob ng PNP SAF commandos ang Mamasapano, Maguindanao.
Gayundin kung ano ang papel ng pangulo sa police operation at ano ang mga naging desisyon nito noong mga kritikal na panahon ng engkwentro.
Binigyang diin ni Enrile na kailangang malaman kung paano ginampanan ng Pangulo nung mga panahong iyon ang pagiging head of state, head of government, chief executive, commander in chief at top policeman ng bansa.
Dapat din aniyang malaman kung ginawa ang operasyon sa Mamasapano para sa interes ng pamahalaang Pilipinas o kung may ibang interest dito na sinilbihan.
Kumbinsido si Enrile na kung walang itinatago ukol dito, hindi mag-aalangan ang pangulo na humarap at sagutin ang mga tanong na ito.
Subpoena
Handa namang ipa-subpoena ni Senador Juan Ponce Enrile ang mga kasalukuyan at dating miyembro ng gabinete ng Pangulong Noynoy Aquino para sa pagbubukas uli ng imbestigasyon sa Mamasapano incident.
Ayon kay Enrile, iimbitahan niya muna ang mga dati at kasalukuyang cabinet members ni PNoy sakaling tumanggi ang pangulo na siya mismo ang humarap sa imbestigasyon pero handa siyang ipa-subpoena ang mga ito kung pati sila ay hindi sisipot sa pagdinig.
Kabilang sa mga nais imbestigahan ni sina Executive Secretary Paquito Ochoa, Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, Defense Secretary Voltaire Gazmin, dating AFP Chief of Staff General Gregorio Catapang, dating PNP Chief Alan Purisima, dating PNP OIC Leonardo Espina, Police Director Benjamin Magalong ng PNP CIDG, dating PNP SAF Chief Getulio Napeñas at acting Director of Intelligence Group Police Chief Supt. Fernando Mendez.
By Len Aguirre